Sitwasyon ng mga KFC crew,
Finger-lickin’ good nga ba?
Ipinagmamalaki ng KFC ang “finger-lickin’ good” na manok nito at ang masarap nitong menu. Pero ang hindi sinasabi ng KFC, magnanakaw ang turing sa aming mga manggagawa. Gamit ang lie detector test bilang palusot, iligal na tinanggal ang halos 3,000 crew sa iba’t-ibang branches nito. Matapos naming maglingkod sa KFC, ngayon kami’y tinanggalan ng kabuhayan at mukhang tatakasan pa.
Iligal ang pagtanggal sa amin dahil sa hindi maaring batayan ang simpleng lie detector test. Hindi makatao ang ganitong pamamaraan. At kahit nga iyong hindi kumuha ng lie detector test ay nasisante rin.
Mapapansin na kaming mga tinanggal ay iyong mga matatagal na sa serbisyo na hindi pa rin itinuturing na regular. Sadyang layunin ng KFC na gawing kontraktwal ang lahat ng naglilingkod sa kanya upang makapagkamal siya ng milyun-milyong kita.
Sapilitan din ang pagtatanggal kapag 26 anyos na ang isang crew. Bukod dito, ang anumang shortage sa isang branch ay ikinakaltas sa sweldo ng mga crew, kahit pa halatang dinoktor ang bilang ng shortage. Sa ganitong pagsasamantala, barya-barya na lamang ang aming naiuuwi samantalang patuloy sa paglobo ang yaman ng KFC.
Hindi maaring idahilan ng KFC na siya ay nalulugi. Kung tutuusin, iisa lang ang may ari na si MAURO AUGUSTINES, ang maraming kumpanya (Mister Donut, Tokyo Tokyo at Motolite). Makakasakit ba sa bulsa ng KFC ang panawagan na ibalik kaming mga natanggal sa trabaho?
Kaya naman, patuloy kaming lalaban para igiit ang aming karapatan. Hindi kami papayag na lumampas lamang ang ganitong di-makataong pagtrato ng isang kumpanya sa kanyang manggagawa. Bitbit ang aming pagkakaisa at ang suporta ng iba’t-ibang grupo, ipaparamdam namin sa KFC na nasa aming manggagawa ang tunay na lakas!
Ibalik ang mga tinaggal na manggagawa!
Regularisasyon, hindi malawakang tanggalan ng mga manggagawa!
Boycott KFC!
- Kicked and Fired Crew ng KFC (KFC)
Tuesday, August 4, 2009
Subscribe to:
Posts (Atom)
